December 10, 2010

Bata, Bata, Ano’ng Ginagawa Mo?


Si Mama ay pabalik-balik sa Divisoria, na-adik na ata kasi wala raw siyang magawa. Sa tuwing uuwi siya galing doon, lagi siyang may pasalubong na mga laruan para kay Denisse: Barbie, pogs, plastic balloon, at marami pang iba. Habang hinihipan ng aking kapatid ang plastic balloon niya, natuwa ako. Meron pa pala nun. Iniwan ko muna ang mga bagong damit na pasalubong sa’kin at naki-ihip na rin ako. Ganoon pa rin daw ang presyo nito, kaya lang, napansin ko, ang laki ng niliit niya. Kailangan ko pang pagsamahin ang dalawa para makabuo ng isang malaking plastik lobo. Pero okay lang, ang sarap kaya, try mo!

Naalala ko ang aking kabataan, noong kalakasan ko pa (thanks Mam D ^_^). Ang sarap maging bata kasi inosente ka pa. Wala masyadong problema kundi ang inggit sa bagong laruan ng kaibigan mo; wala masyadong kaaway kundi yung mabagal magbaba ng kamay sa jak-en-poy; wala masyadong nakakalungkot kundi yung kapos ang baon mo kaya hindi mo makumpleto ang bagong set ng trading cards na kinokolekta mo; wala masyadong dahilan para gumising ng maaga kundi yung pakikipag-unahan mong makabili ng bagong Crush Gear; wala masyadong dahilan para magpuyat kundi yung bagong biling bala ng PlayStation mo; at wala masyadong dahilan para masugatan ka kundi yung pakikipaghabulan mo sa bente-uno.


Meron pa palang mga laro noong bata ako na hanggang ngayon ay nilalaro parin ng mga nakababatang kapatid natin. Yun nga lang, may revisions na yung iba. Wala ng tex, pero yung mini tex, buhay parin naman. Wala na si Lupin the Third na minahal ni Fujiko, hindi na rin sinasaluduhan si Son Goku at Tito Piccolong Nemic, si Marian Rivera na ang present sa mga larong ganyan. Hindi na nila kilala si Eugene at Dennis kahit pitong beses na ata inulit yun ng Channel 7. Wala ng naghahanap ng pato para mag-piko o ng lata para mag-tumbang preso. At sana, wala na ring natatae habang nagtatakbuhan (true-to-life, yung maton kong classmate noong Grade 5, bigla nalang umupo sa isang tabi, ‘yun pala, hindi na niya napigilan ang tawag ng kalikasan).

Sa mga mamahaling laro na ginagamitan ng higit pa sa ating katawan lamang, ang number one sa aking listahan ay ang TEX. Dati, meron akong dalawang kahon ng sapatos na punong-puno ng tex. Ako ang takbuhan ng mga batang gustong makakumpleto ng isang series ng Ghost Fighter tex na in-demand sa Pritil: nagkakaubusan pa! Pangalawa ay ang Crush Gear. Nalulungkot ako ng lubusan dahil namahalan ako sa original na Crush Gear dati (P450) kaya hindi ako nagpabili kay Mama. Yung peke nalang ang binili ko sa may tianggian. Noong naging makwarta na ako, hinanap ko ulit sa Toy Kingdom ang original na Crush Gear. Sa kasamaang palad, wala na ‘kong nadatnan. Iba na pala ang uso. At kahit hanggang kamatayan ata, hindi na ako makakahawak ng orig na Crush Gear (huhu). Pangatlo naman ay ang Beyblade. Nagsimula sa mga simpleng disenyo. Ngunit kalaunan, paganda ng paganda at pamahal ng pamahal. Pero bumili parin ako, one part at a time at nakabuo ng isang solid na gintong Beyblade. Ang porma! Grabe! Ginto talaga siya! Ayun, hindi na ako nanalo sa mga kalaro ko kahit kailan. Sobrang bigat pala ng gintong Beyblade, halos hindi na siya maka-ikot. Ginawa ko nalang disenyo sa kwarto ko.

Sa mga tipid-games na accessible at 100% free sa bawat kanto ng Tondo, ang paborito ko parin ay ang taguang tsinelas. Tingin ko, dito unang lumabas ang aking creativity. Ang sarap mag-isip ng mga tagong lugar na pwede mong itago ang mga tsinelas ng iyong mga kalaro. May iyakan portion pa pag sobra kang naging creative, kasi hindi na nila makita. Kaya next time, hinay hinay ka nalang; o kaya, wala ng next time kasi nagalit na sila sa’yong creative and imaginative mind. Maglalaro ka nalang ng PlayStation sa loob ng bahay niyo: mag-isa. Doon mo mamamalayan na unti-unti ay dumadami na ulit ang iyong mga kaibigan. Ang away sa labas ay makakalimutan at bigla kang tatanungin: “Kevin, pwedeng sunod ako sa’yo?” At dahil lahat kayo ay inosente, hindi mo maiisip gumanti, promise! Magiging mapagbigay ka at paglalaruin sila.

Ngayon, face-out na ata ang PlayStation 1 kasi may 2 at 3 na, may Portable pa nga eh. Buti nalang naabutan ko pa ang PlayStation 1! Kahit medyo low-tech pa ‘yun, Masaya talaga ang experience kasi inosente ka pa naman. Kapag wala kang memory card at natalo mo ang boss sa laro na ang tagal tagal mo ng pinapangarap matalo, magsasanla pa ng alahas ang lola mo at bibilhan ka ng memory card with matching spaghetti ng Jollibee. Naranasan ko ‘yan! Ako na spoiled. Hehe. Kaya medyo nalulungkot ako kasi ang mahal mahal na ng PlayStation ngayon. Kumonti tuloy ang mga bata na nakakaranas ng saya na naranasan ko noong bata pa ako. Kuntento na sila sa internet ngayon na marami na rin naming laro. Buti nalang, inosente pa sila.


Katulad ng mga babae sa larawan sa itaas, nakakalungkot na hindi na natin mababalikan ang ating kabataan, noong kalakasan pa natin (^_^). May mga responsibilidad na, may mga pagbabago, may mga pinagdadaanan. Kahit ayaw mo, no choice ka. Kasama ng pagdami ng kandila sa cake mo at pagdami ng nagkaka-crush sa’yo ang maraming responsibilidad ng isang taong hindi na inosente. Marami ng problema na kailangan mong harapin at solusyonan; may mga kaaway na na minsan ay hindi mo pa inaasahang makakagawa sa’yo ng masasakit na bagay; may mga nakakalungkot na pangyayari ka ng nakikita, hindi lang sa pamilya mo kundi sa paligid mo rin; marami ng dahilan para lumaki ang eye bugs mo dahil sa mga komplikadong theses, case studies, projects, at programs na kailangang alisan ng syntax errors; at may mga sugat na rin na hindi napapagaling ng band-aid at Betadine lamang.

Pero katulad ng mga laro, lilipas din yan, mapapalitan ng bago. College na ako, ikaw ba? Gusto ko… sa bawat problemang lumilipas, katulad ng bawat laban ng Beyblade, nananalo ako at napapatumba ko ang problema. Sayang naman kung lilipas yan ng wala ka man lang ginawa diba? Para kang bumili ng Beyblade pero ginawa mo lang pang-design. Laban lang! Kung manalo, edi masaya. At kung matalo, edi ulitan. Wala lang pikunan, at ‘wag kang tatae sa shorts mo at manahimik lang sa isang tabi. Laban lang, laban lang.

0 comments: