Wag Kang Kukupas, Hindi Ka Larawan
Isang araw, nagising ako sa ‘di inaasahang oras: 4:35 A.M. Sumuka ako. Hindi ko alam kung bakit pero masakit din ang likod ko at nanghihina ako. Pero kailangang magsimula ng araw. Sa sobrang dami ng gustong gawin ng isang hamak na taong tulad ko, ano nga ba ang gagawin ko? Hay... estudyante nga naman. Siyempre pumasok ako at sinampal si Nora. Nagulat siya ngunit imbis na gantihan ako ng mas marami pang sampal ay napahawak lang siya sa kanyang pumulang pisngi habang lalo pang nagugulat sa mga salitang lumalabas sa aking bibig, uhog sa aking ilong, luha sa aking mga mata. Nagtapos ang eksena na magkakayakap sina Jane, Joy, Ral, Marie, Anne, Veejay, Ming, Nora, at ako. Sa magulo at hectic na buhay kolehiyo, masaya akong nakatagpo ng walong maaasahang tao. Isang taon nalang ang meron kami para magkasama-sama kaya ayokong hindi kami magpansinan, sayang naman kasi diba?
Usong-uso ang tatlong oras o higit pang breaktime sa aming mga Engineering students na walang ginawa kundi magpa-dissolve ng syntax error at piliting maging numero ang mga letra. Ngayon, lahat ay abala sa program na ipapasa na next week, maliban sa akin. Tinapos ko na kasi yun last week pa. Ang pinagkakaabalahan ko ngayon ay ang pagtunton sa aking pilit na nawawalang tatay. Pagkatapos akong i-unfriend sa Facebook ng tito ko noong tinanong ko ang number ng tatay ko, lalo akong nagsumiksik sa internet shop, nagsikap mag-aral, nagpagwapo ng husto, at lumunok ng gabu-gabundok na pride. Gusto ko ng makita ang tatay ko, hindi para isumbat sa kanya ang kagaguhan niya o ipacheck kung may konsensya nga ba siya kundi upang makita kung magkamukha nga talaga kami at makakain sa labas (ok lang kahit 39ers, basta sa labas!). Sa ngayon, isang text message na nagsasabing maghintay daw ako dahil may plano siya para sa’kin ang aking pinanghahawakan. Hindi importante sa akin ang tatay ko pero espesyal siya. Kumbaga sa polvoron, pinipig siya, hindi harina. Gusto ko sana nandun siya pag grumadweyt ako. Hindi naman yun masama ah.
11 years ko ng hindi nakikita at 19 years ng hindi nahahalikan ang lola ko. Siya ang pinaka-importanteng tao sa buhay ko. Kahit hindi na niya ako kilala at hindi ko na rin siya kilala. Kahit alaala nalang ang bumubuhay sa amin sa utak ng bawat isa. Magaling parin ang puso dahil balibaliktarin man ang mundo, wasakin at durugin man ito ng kung sinu-sino at kung anu-ano, hindi parin ito nawawalan ng pagmamahal. Yan ang puso: magaling pero mahina – as in! Umalis papuntang Amerika ang lola ko noong grade 3 ako. Pag-uwi namin noong hinatid namin siya sa airport, nagmoment ako habang nakahiga sa kama. Isa kasi akong madramang bata. At dahil dito, bugso rin ang luha ng bawat isa sa bahay, pati ang pinsan kong isang taong gulang pa lamang noon, nakisali sa iyakan. Masaya ako dahil uuwi si lola, malapit na malapit na. Sana mapanood din niya akong grumadweyt.
Half-day lang kami ngayon. Pagkatapos naming mag-exam, uwian na namin. Nakipagkita ako sa babe ko at pumunta kami sa kanila para kumain. Binati ko ang napakasungit niyang Dad na tanging tungo lamang ang tugon sa akin eversince na tanggapin niya ako bilang boyfriend ng bunso niya. Adik siya, pero nakakatuwa ang pagka-adik niya, hindi literal kundi cute. 60 years old na siya pero astigin parin ang porma. Ayaw niyang may makaalam ng kung ano pa ang gusto niyang gawin sa buhay niya. Pero ako, alam ko: wala na. Deep inside his eyes, nakikita ko na sinayang niya lang ang buhay niya. Hindi kuntento sa isa: swapang, sakim, maraming gustong makuha. Ayun, marami man siyang pag-aari, walang naging kanya. Kaya ngayong matanda na siya, sawa na siyang hanapin pa kung ano ba talaga ang para sa kanya. Hindi na niya alam kung pinalampas na niya ito o dinedma lang. Desidido na siyang magtapos kung saan siya nagsimula. Sana sa susunod na taon, maisama namin siya ng babe ko sa graduation ko. Malay mo ma-inspire, at malaman niyang siya’y expired na. Mas mabuti nang malaman niya yun kaysa wala na talaga siyang magawa sa buhay niya.
Hayuk na hayuk ang hangin habang nakasakay ako sa bus pauwi. Sa ilang taon kong pag-aaral sa college, sanay na ang bangs ko dito. Masaya akong umuwi ng bahay at nagtype ng aking masterpiece sa laptop na regalo sa akin ni Mama. Graduating na kasi ako. Eto na yung time na gagawin na nila akong isang robot. Hihilingin kong pimples nalang ang tumadtad sa akin kesa deadlines, mananaginip ako ng mga umiiyak at galit na mga puno dahil sa sandamakmak na crampled papers, makukuntento ako na i-consider na goodnight sleep ang aking mga kisapmata, at syempre, mamamayat ako, finally! Wala ng oras para mag-emo o maawa sa sarili. Pero dahilan? Marami! But in the end, pipiliin mong maging robot para magawa mo ang mga gusto nilang gawin mo. “Ok lang noh! Isang taon lang naman, graduate ka na!” hirit ni Mama.
Ganyan si Mama. Ang dating masungit at palasigaw kong Mama ay naging mabait at supportive all the way! Buti nalang nagka-cancer ako. Pinipilit kong kalimutan kung ilang taong gulang palang ako at kung saan ako tinubuan ng ganitong sakit, nakakabadtrip kasi. Minsan lang naman ako manigarilyo ah! Ok na nga sa’kin yung isang kaha every week. E bakit yung ibang adik diyan wala paring lung cancer? May lola nga akong nakita eh, sarap na sarap parin sa paghithit ng Marlboro. Hay naku talaga. Asar. Pero sabi ni Ate Elaine, “All is well, all is well.” Kaya sabi ko na rin, “All is well.” At least napapakita na sa akin ng mga tao na may halaga ako sa kanila. Kahit ako ay si Kier lamang, isang hamak na novice ng mundo. At at least napapakita ko sa ibang tao kung gaano sila kahalaga sa akin. Buti nalang may taning na ako. Dahil dito, nagkabati kami ng Tropang Awake, makikita ko na ang tatay ko, uuwi ang lola ko, at marami pang dahilan.
Hindi ko na piniling magpagamot pa. Masaya na ako dahil ako ang unang mamamatay. Hindi na ako obligadong magpaalam pa ng paulit-ulit. Isang bagsakan nalang, ok na. Pwede akong magalit sa Diyos pero ayaw ko, no way. Mahal Niya ako at nagpapasalamat ako sa imperpektong buhay na binigay niya sa imperpektong ako. Kung may gusto akong sabihin sa Kanya, ang sasabihin ko ay “Salamat sa kulang kulang na buhay na binigay mo sa akin at sa mga kulang kulang na kung sinu-sino na binigay mo rin para kumpletuhin ito. I love You.”
Sana may taning ka rin. Para magtapos ang bawat araw mo na may kwenta. Para pilitin mong bigyan ng justice ang bawat paglubog ng araw na iniikutan ng mundo mo. Para kailangan mong tapusin ang bawat araw na hindi ka nawawalan ng silbi. Kaya mo yan. Wag mong palipasin. Bawat minuto ng buhay mo ay pwedeng maging kayamanan, hindi lang para sa’yo kundi para sa iba pa.
Mamamatay na ako. Ikaw,
buhay ka pa ba?
0 comments:
Post a Comment